FILIPINO 12
Lakbay Sanaysay
Mabuhay, Ditumabo Mother Falls!
ni Jescel Mae P. Dulay
Mahigit isang taon na ang lumipas
simula nang kami’y maglakbay sa bayan ng Baler, Aurora. Matagal nang plinaplano
ng buong pamilya ang pagpunta roon kaya’t buong sigla at galak ang aming
naramdaman nang tuluyan na namin itong marating pagkalipas ng higit apat na oras
na biyahe mula sa paliko-liko at taas babang kalsada. Kay rami naming
pinuntahang atraksyon hanggang sa umabot pa kami sa karatig bayan nitong San
Luis dahil sa pamimilit ng aking ina na karapat-dapat paglaanan ng oras at
lakas ang nakakubli ditong Ditumabo Mother Falls.
Wala sa aming listahan
ang pagpunta sa Mother Falls ngunit dahil sa ninais naming maglakbay pa at
maranasang makatagpo ng bagong destinasyon. Kahit gutom at walang ligo,
nilandas namin ang daan patungo sa barangay Ditumabo at doon na nga nagsimula
ang tunay na paglalakbay sapagkat napag-alaman naming kailangan munang mag hiking
at river crossing ng trenta hanggang kuwarenta minutos upang ang
sinasabing Mother Falls ay aming masilayan mismo.
Sa mga unang hakbang,
mga puno at malamig na simoy na hangin ang sasalubong sa iyo at bago pa
magsimula ang paglandas, marami ang mga naglalako ng mga tubig at pagkain sa
isang sulok. Hindi muna kami bumili ng marami pagkat nais na naming marating
agad ang aming paroroonan. Napaka-ganda ng tanawin papunta pa lamang at hindi
ko inaasahan na marami pang mga talon o waterfalls ang nasa paligid
habang tinatahak naming ang daan patungo sa ina ng mga talon na ito.
Napakalinaw din ng tubig ilog at kami ay nagugulat pa sa aming mga dinaraan
sapagkat may kaunting lalim ang iba rito at may rumaragasang tubig pa ang ilan.
Ngunit imbes na matakot ay mas lalo pa naming pinag-igihan ang paglalakbay.
Todo-kapit pa ako at ang
aking mga kasama sa lubid nang mapadpad kami sa tingin ay pinaka-delikadong
madaraanan namin. Ang tsinelas pa ng aking pinsan ay sumama sa agos ng tubig
na sa lakas nito ay hindi na namin nagawang makuha o makita man lang ang
munting tsinelas. Nagpatuloy kami at nilimutan ang nangyari. Tagatak na ang
aming pawis sa kabila ng mas lumalamig na simoy ng hangin. Ngunit habang
tumatagal din ay mas nabibighani ako sa lupaing mayroon ang Ditumabo, San Luis sapagkat
walang panama ang aming ibang napuntahan sa pakiramdam na pinaparanas nito. Hindi
ko alam ang tamang salita upang eksakto kong maihayag ang aking nasilayan at
naramdaman dahil naglayag na ang aking isipan sa ere at hindi na bumalik pa
nang unti-unting bumuhos ang inakala naming tubig-ulan na may kasamang hamog.
Inakala lamang namin itong ulan sapagkat sa katunayan ay bunga ito ng malakas
na pagbuhos ng tubig mula sa Mother Falls. Hindi ko maipaliwang pero nabuhayan
ako ng loob na makita pa ang kabuuan nito, pagkat malayo-layo pa kami sa
pinaka-ugat nito. Ang tanging masasabi ko lamang ay para itong paraiso na may
tubig na kasinlamig ng yelo ngunit ito’y mainit at masarap sa pakiramdam kasabay
din nito ang tila paghele sa akin ng Mother Falls.
Pasensya kung hindi ko
mabigyang hustiya gamit ang aking mga salita ang gandang mayroon ito. Hindi ko
talaga inakala na masisilayan ng mismo kong mga mata ang lugar gaya nito. Ito rin
ang kauna-unahang makatagpo ako ng ganitong klase ng likas na yaman at doon mas
lalong bumuhos at mas naging busilak ang aking pagmamahal sa kalikasan. Sa
puntong iyon, paulit-ulit pang tumatakbo sa aking murang isipan ang ideyang
dapat nating pahalagahan ang ating kapaligiran, may nakabibighani mang tanawin
o wala, lahat ng ito ay yamang dapat nating ingatan at mahalin ng walang hinihintay
na kapalit.
Mga Litrato:
Comments
Post a Comment