Replektibong Sanaynay ukol sa Pandemyang Covid-19
FILIPINO 12
Replektibong Sanaynay
Ang Sarap ng Pighati
ni Jescel Mae P. Dulay
Marami ang kumakayod kalabaw bunga ng pandemya. Marami ang nagdurusa sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay. Marami rin ang nasa bukana ng nakahahawang sakit na coronavirus, nag-aalay ng kanilang kaligtasan para sa nakararami. Ngunit ako na narito lamang sa loob ng bahay simula ng umusbong ang pandemya hanggang sa umabot ito ng halos isang taon, tingin ko'y hindi ako kabilang sa mga marami na naghihirap at nagdurusa sapagkat pinili kong harapin ito sa positibong paraan at masuwerte ako dahil kami ay nananahan sa isang liblib na lugar upang hindi direktang maranasan ang kalupitan ng karamdamang ito.
Oo, noong una'y nakakatakot, walang katiyakan at hindi na makaalpas pa kahit man lang puntahan ang mga kamag-anak. Ngunit nang lumaon at unti-unti tayong nakabangon, natuklasan kong ito na ang pahingang inantay ko sa tanang buhay ko. Ang totoo niyan, dahil sa mga buwan na nakulong ako, tayo sa ating mga tahanan o sa ating kumunidad, mas nagkaroon ako ng puwang sa mundo. Mas nahubog ang aking kakayahang sumulat at umunawa sapagkat lagi lamang akong nagbabasa at nanonood ng mga storya, balita, mga life hacks at iba pa. Napagtanto ko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kamalayan ukol sa mga pangyayari sa ating bansa at mundo. Natutuhan kong bigyan ng oras ang aking kalusugan na halos araw-araw ay nagbibitamina at kahit simpleng pag-eehersiyo lamang ng tatlong araw sa isang linggo. Nabigyang pansin ko rin ang oras kasama ang aking pamilya kahit ang paglalaro ay aking nasubok, pakiramdam ko’y bumalik ako sa pagkabata at nasiyahang muli. Ngunit sa anumang saya nito, hindi ako nabulag na pahalagahan ang bawat sandaling kapiling ko ang aking mga mahal sa buhay at kahit anong bagay na mayroon ako, gaano man ito kaliit o kalaki.
Matindi rin ang aking pasasalamat sa Panginoon sapagkat ang mga tao sa aking paligid ay hindi humarap sa bingit ng kamatayan bunga ng kontrobersiyal na sakit ngayon. Kay gandang masilayan ang pagdagsa ng mga taong nagbabalik loob sa Kanya at taos-puso Siyang pinaglilingkuran. Wala talagang hihigit sa ating pananampalataya lalo na sa mga oras ng kagipitan at ako’y nagagalak dahil patuloy tayong kumakapit sa Kanya sa halip na sa patalim.
Hanggang sa kasalukuyan, ang pandemyang ating kinakaharap ay nakikita bilang isang krisis ngunit kung hindi dahil dito, hindi ako mamumulat sa napakaraming bagay at dito ko lamang naramdaman na tayong lahat ay pantay-pantay sapagkat kahit ano pang estado mo sa buhay, mayaman ka man o dukha, makapangyarihan ka man at maimpluwensiya, wala pa ring makakatakas sa isang masalimot na pagpanaw at walang yaman o impluwensiya ang makapagpapabago ng mga nakatakdang mangyari sa sinuman.
Kaya naman nais ko nang mabuhay ng lubos nang hindi iniisip ang mga maaaring sabihin ng ibang tao. Hangga’t alam kong tama ang aking ginagawa at wala akong tinatapakang ibang nilalang, gagawin ko ang nais ko kasabay ng pagbabahagi ng mga nakakaya kong gawin ng walang limitasyon kundi mas mataas pa sa ekspektasyon, ngunit itaga mo sa batong hindi mo isasakripisyo ang iyong kalusugan para lamang makamit ang inaasahan ng iba mula sa’yo. Napakaikli ng buhay kaya hindi na masamang bigyan mo ang iyong sarili ng sapat na pagmamahal at atensyon. Hindi na masamang magpalamon ka sa iyong nararamdaman upang mailabas mo ang tunay na ikaw. Hindi masamang sarili mo naman ang isipin mo at alagaan mo dahil hindi ang ibang tao ang makakagawa nito para sa iyo. Hindi na rin ganun kapinsala ang sakit na coronavirus sapagkat nagdulot ito ng rumaragasang pag-agos ng mga makabagong inobasyon.
Nakakabigla at nakakapangilabot sa una subalit nang maglaho ang mga ito, hindi naman ako magkamayaw ngayon sa kung ano ang dapat kong isiwalat na realisasyon sa dami ng mga nakalap ko mula sa karanasang ito. Ang tanging malinaw sa akin ngayon ay nabuksan na ang aking isipan sa mga positibong epekto nito sa aking pagkatao at pati na rin sa iba. Ang aking puso’y nabubuhay sa pag-asang ang pandemyang Covid-19 ay isang pagsubok lamang na dumating at lilipas din. Hindi man lumipas ang pighating pinaranas nito, alam kong hindi rin natin makakaligtaan ang panahong tayo ay hindi sumuko kundi patuloy na lumaban at natuto. Sa lahat ng bagay na ating pinagsaluhan, masama o mabuti, matamis o mapait at maganda man o hindi kanais-nais, ang lahat ng ito ay nakatutulong upang mahubog at makilala pa nating lubos ang ating mga sarili.
Huwag kang malumbay habang nabubuhay ka pa, mas malumbay ka kung hindi ka na makaranas pa ng pagsubok pagkat natalo ka na ni kamatayan.

Comments
Post a Comment